Bukas, ipagdiriwang ng karamihan ang natatanging araw para sa
natatanging lalaki para sa ating buhay, ang Araw ng mga Ama. Normal
lang namin itong ipinagdiriwang noong mga nakaraang taon. Pero sa
puntong ito, iba na ang lahat. Sa unang pagkakataon, ipagdiriwang namin
ang Araw ng mga Ama ng wala ang aming tinuturing na Ama.
Eksakto dalawang linggo ng ihatid namin sa huling hantungan si Tatay.
May
28, 2012, Lunes, pasado ala-una ng madaling-araw ng gisingin ako ng
tita ko, si Mommy Elvie. Tumawag raw kasi sa kanya si Nanay, naiyak at
hindi maintindihan ang sinasabi. Nasa Philippine Orthopedic Hospital si
Nanay ng mga panahong yun, binabantayan si Tatay dahil sa kakatapos
na operasyon sa spinal cord
Binigay sa akin ni Mommy
Elvie ang cellphone. Tinawagan ko agad si Nanay. Sinagot nya ang tawag
ko, pero umiiyak. Bigla nyang sinabi sa akin ang hindi ko ninais na
marinig na balita. Wala na raw si Tatay. Iniwan na raw kami ni Tatay.
Patay na raw si Tatay. Wala akong nasabi agad. Hinayaan ko lang na
marinig ang pag-iyak ni Nanay. "Pupuntahan namin kayo dyan.", yan na
lang ang nasabi ko sa kanya bago ko tapusin ang aming usapan.
"Patay
na raw po si Tatay. Kailangan natin silang puntahan dun". Mahina pero
malinaw ang pagkakasabi ko sa mga salitang yan sa harap ni Mommy Elvie.
Umiiyak syang yumakap sa akin. Hindi ako naiyak. Hindi ako maka-iyak
sa dahilang hindi ko alam.
Ginising ko ang Ate
ko para ibalita sa kanya ang nangyari. Tinawagan ko na rin ang isa ko
pang ate, si Ate Nie. Hangga't maaari, kalmado ko lang na sinabi sa
kanya ang balita sa kadahilanang buntis sya ng mga panahong yun.
Pinaalam na rin namin ang balita kay Lola, ang nanay ni tatay.
Kino-convince nya kami at ang sarili nya na baka hindi totoo ang
nangyari, na buhay pa si Tatay.
Dalawang sasakyan
kaming pumunta sa ospital para sunduin si Nanay at para kunin ang
katawan ni Tatay. Tahimik sa sasakyan. Walang nagsasalita.
Maraming
tumatakbo sa isip ko sa mga panahong yun. Paano na kami? Paano ang mga
gastos? Saan namin ililibing ang mga labi ni Tatay? Paano makaka-move
on ang bawat miyembro ng pamilya specially si Nanay? Wala na nga ba si
Tatay?
Halo-halong emosyon ang naramdaman ko habang papalapit kami sa ospital. Takot. Lungkot. Kabado. Umaasang hindi totoo.
Dali-dali
kaming umakyat sa 2nd floor kung saan nandoon ang kwarto ni Tatay.
Pagpasok namin ng kwarto, nakita namin si Nanay, nakayuko. Hindi
naiyak, tahimik. Pinuntahan namin sya agad. Niyakap at pinilit na
pakalmahin. Nag-iyakan na ang mga kasama namin. Gusto ko ng umiyak,
pero pinilit kong hindi umiyak. Niyakap ko lang si Nanay. Pinakinggan
sya habang nakatingin sa kama kung saan ko huling nakitang buhay si
Tatay. Sinamahan kami ni Rialyn sa morgue dahil dinala na raw doon si
Tatay. Habang naglalakad kami papunta doon, kinu-kwento ni Nanay kung
ano ba ang nangyari. Kung bakit biglaan kaming iniwan ni Tatay.
Malamig
na si Tatay ng ipakita sya sa amin. Napuno ng iyak at lungkot ang
tahimik na morgue. Hindi ko pa rin iniwan si Nanay. Hawak ko lang sya
habang hinihimas nya ang mukha ni Tatay. Kinakausap nila si Tatay at
umaasang sasagot ito. Pero wala. Wala kaming narinig na sagot mula sa
kanya. Patay na si Tatay.
2:30 ng umaga yun pero 8:00 pa
namin pwedeng makuha ang katawan ni Tatay. Nagpumilit kami kung
pwedeng mai-uwi na namin sya pero hindi pumayag ang ospital. Napilitan
kaming umuwi sa bahay at makipag-usap muna sa funeraria na mag-aayos sa
libing at burol ni Tatay. Narinig namin ang hinagpis ni Nanay ng
makita nya ang dalawa nyang apo, si Leila and Kurt. Yakap nya ang mga
bata habang umiiyak na ibinalita ang nangyari sa kanilang Tatay
("Tatay" rin ang tawag nila sa kanilang Lolo). Makikita mo sa mga mata
ng mga bata ang lungkot kahit hindi sila nagsasalita.
Mararamdaman
mo ang lungkot sa loob ng sasakyan habang papunta kami sa funeraria.
Maririnig mo rin ang mahina pero madamdaming pag-iyak ni Nanay.
Kaming
magkakapatid ang nakipag-usap sa funeraria pero hinayaan naming si
Nanay ang pumili ng kabaong na paghihigaan ni Tatay. Hindi ko lubos
maisip na darating kami sa punto na iyon. Na pipili kami ng kabaong na
paghihimlayan ni Tatay.
Pagkatapos maayos ang serbisyong
ibibigay kay Tatay ng funeraria, umuwi na kami sa bahay. Isang malakas
na iyak ang ibinigay ni Nanay pagpasok nya sa bahay. Hinayaan lang
namin syang umiyak para mailabas nya ang nararamdaman nyang sakit.
Matagal nyang hinintay ang pagkakataong maka-uwi sa bahay. Sampung araw
silang namalagi sa ospital. Sampung araw silang magkasama ni Tatay
doon. Sampung araw nyang inalagaan at inalalayan si Tatay para sa
madalian nyang paggaling. Hindi nya akalain na sya na lang ang uuwi sa
bahay ng buhay. Kasabay ng pag-iyak ni Nanay ang pag-iyak rin ng ibang
miyembro ng pamilya. Si Ate at Ate Nie ay umiiyak na rin. Si Lola pati
na rin si Leila. Ako? Hindi pa rin.
Sumapit ang 6:30 ng
umaga, napag-desisyunan naming magkakapatid na umalis na para kunin si
Tatay. Ako at si Ate ang pumunta sa ospital habang pina-uwi muna namin
si Ate Nie sa kanilang bahay upang makapag-pahinga at makapag-ayos.
Sandali kaming tumigil upang bumili ng mga damit na susuotin ni Tatay
sa huling sandali nya dito sa mundo. Isang magandang barong at itim na
slacks ang nabili ni Ate Nie.
Dinagsa na ng mga
tawag at text messages ng pakikiramay ang telepono ko. Mga kapamilya,
kaibigan at ka-opisina. Pinilit kong matulog habang nasa byahe kami
papuntang ospital ngunit hindi ako dinalaw ng antok. Marahil dahil na
rin sa mga tumatakbo sa isip ko.
Pagdating namin
sa ospital, kinontak namin agad si Nurse Ellen, ang Head Nurse ng
Operating Room na walang-sawang tumulong sa amin noong nasa hospital pa
si Tatay. Pagka-kita nya sa akin, umiyak na rin sya at nagbigay ng
pakikiramay sa pamamagitan ng pagyakap sa akin. Dali-dali naming inayos
ang dapat naming ayusin para maiuwi na si Tatay. Mabilis rin naman
namin itong naayos. Pasado alas-diyes ng umaga ay pabalik na kami ng
bahay.
Bago matapos ang araw na yun, umuwi na rin si
Tatay sa bahay. Pero hindi sa inaasahan naming paraan at lagay.
Ipinapasok palang ang kabaong ni Tatay, umiiyak na si Nanay at si Lola.
Naka-alalay ako kay Nanay habang naiyak naman sa tabi ang dalawa kong
kapatid. Si Leila ay naiyak rin habang suportado ni Mommy Elvie si
Lola. Hindi pa na-kalma ang lahat ng miyembro ng pamilya ay dumagsa na
ang dating ng mga taong nakikiramay. Mga kapamilya at malalapit na
kaibigan ni Tatay.
Matiwasay ang mukha ni Tatay at pawang
naka-ngiti. Sabi nga ng ilan, parang natutulog lang. Sana nga ay
natutulog lang sya at gigising rin matapos ang matagal na pamamahinga.
Bagay rin sa kanya ang barong at slacks na binili namin para sa kanya.
Kaming
magkakapatid at mga malalapit na kamag-anak at kapitbahay ang naghanda
ng mga pagkain na ihahain sa mga bisita. Kanya-kanyang kaming trabaho.
May mga panahon lang na nawawala kami sa sirkulasyon kapag meron
kaming bisita na kailangan i-entertain tulad na lamang ng mga kaibigan o
kaya naman ay mga ka-opisina.
Napag-desisyunan naming
magkakapatid pati na rin ni Nanay na sa June 3 na ilibing si Tatay.
Ililibing sya sa libingan kung saan inilibing ang kanyang Ama. Hiling
rin kasi yun ni Lola.
Sa loob ng halos isang linggong
namalagi ang katawan ni Tatay sa bahay, maraming mga kapamilya,
kaibigan, ka-inuman at mga ka-tambay na dumalaw sa kanya. Hindi ko
inakala na ganoong karami ang bibisita sa kanya. Umulan o umaraw man,
may mga bumibisita. Sabi nga ni Lola, normal na tao or mamamayan lang
naman si Tatay, pero makikita mo na kahit normal na mamamayan lang sya,
maraming nagmamahal sa kanya. Maraming tumulong. Maraming nagbigay ng
kalinga at pakikiramay. Maraming umiiyak. Nakakatuwa ring isipin na si
Tatay ang naging daan para muling magkita-kita ang iba't ibang miyembro
ng pamilya namin.
Maulan noong huling araw ng burol.
Malakas ang ulan ngunit malakas rin ang buhos ng mga taong gustong
sumilip kay Tatay para sa huling pagkakataon. Sa dami ng bisita, hindi
na namin alam kung saan namin ipu-pwesto ang iba. Nagkaroon rin ng misa
para kay Tatay.
Dumating ang araw ng libing. Kung gaano
kalakas ang ulan noong huling araw ng lamay, ganoong kaganda naman ang
panahon noong araw ng libing. Malakas yata si Tatay sa taas. May
nagsasabi na masaya raw si Tatay kaya biglang nag-iba ang panahon noong
sya ihahatid na. Busy ang lahat, maging si Nanay. Pero makikita mo sa
mukha nya ang lungkot. 12:30 ng tanghali ang libing pero 12:15 pa lang
ay nasa simbahan na dapat si Tatay. 11:45 ng umaga ay nasa bahay na ang
mga tao ng funeraria upang kunin at ihatid na si Tatay sa simbahan at
sa kanyang libingan.
Umalingawngaw na sa lahat ng sulok
ng bahay ang mga iyak nang ilalabas na ng bahay ang labi ni Tatay.
Mararamdaman mo ang lungkot at hinagpis lalong-lalo na para kay Lola,
Nanay at sa mga kapatid ko. Hindi ko binitawan si Nanay. Hinayaan lang
namin nyang isigaw at i-iyak ang nararamdaman nya. Hanggang mailabas na
nga ng bahay si Tatay, patuloy lang ang pagdaloy ng mga luha sa mukha
ng mga kapamilyang nagdadalamhati sa biglaang paglisan nya.
Binasbasan
ng holy water ang kabaong ni Tatay bago isagawa ang misa. Kaming
magkakapatid ang naglagay ng puting tela sa ibabaw ng kabaong bago
dalhin sa harapan ng simbahan. Si Ate ang naglagay ng holy bible habang
si Ate Nie naman ang naglagay ng krus sa ibabaw ni Tatay bago
umpisahan ang misa. Matiwasay at makabuluhan ang naging sermon ng pari.
Ako ang naatasang magbigay ng huling mensahe para kay Tatay at para sa
lahat ng taong pasasalamatan.
Binuksan ang kabaong ni
Tatay upang bigyan kami ng pagkakataon na mag-alay ng bulaklak sa
kanya. Sa pagkakataong ito, unit-unti ng tumulo ang mga luha mula sa
aking mga mata. Hindi ko na pinigilan ang pagdaloy ng emosyon. Kung
hindi umiiyak ay malungkot ang bawat taong nakapila upang makapag-alay
ng bulaklak at maikling panalangin para kay Tatay.
Naglakad
kami mula simbahan hanggang sa sementeryo kung saan ilalagak ang mga
labi ni Tatay. Tulad nga ng sabi ko, maganda ang panahon. Hindi mainit,
hindi umuulan. Sa saliw ng mga emosyonal na kanta, tinahak namin ang
huling hantungan nya. Hindi na tumigil ang pagtulo ng aking luha
kasabay ng pag-akbay ko at paminsan-minsang paghagod sa likod ni Nanay
upang kahit papaano'y mapakalma ko sya.
Sa huling
pagkakataon, sa harap ng puntod kung saan sya ililibing, muli naming
pinagmasdan si Tatay. Nagbigay ng huling iyak at huling habilin sa
kanya. Lahat kami ay emosyonal. Lahat ng tao na nakapaligid sa amin ay
emosyonal.
Matapos ang ilang minuto, nakita namin ang
aming mga sarili na palayo sa kanya. Papunta sa kung saan na hindi sya
kasama. Ang haligi ng aming bahay. Ang nagtaguyod sa amin. Ang nagbigay
ng respeto, pagkalinga, proteksyon at pagmamahal. Ang nagsakripisyo
para mapag-aral kaming magkakapatid. Ang sumasalo ng mga sugat na dapat
ay kami ang nagdusa.
Wala na si Tatay.
Wala ng magmamahal at mag-aalaga sa amin tulad ng pag-aalaga at pagmamahal na binigay nya samin.
Wala ng magba-bike at bibili ng pandesal tuwing umaga.
Wala ng maghahatid at susundo kay Leila sa eskwelahan.
Wala ng mag-aalala kapag umuulan ng malakas.
Wala ng kakanta ng "Faithfully" sa videoke kapag may handaan.
Wala ng mgagalit sa mga ate ko kpag pinapagalitan sila Leila and Kurt.
Wala na si Tatay.
Hindi
man namin sya kasama, alam kong binabantayan at minamahal nya kami
tulad ng pagbabantay at pagmamahal na inihandog nya sa amin noong sya ay
nabubuhay pa.
Maligayang Araw ng mga Ama, 'tay.
Mahal ka namin.
*Para kay Melencio S. Camerino (1954 - 2012)