(babae)
Pinili kong maging tahimik.
Pareho tayong nabibingi sa katahimikan.
Tahimik sa kabila ng katotohanang tayo'y napapaligiran ng mga estranghero na may kanya-kanyang pinagkaka-abalahan.
Mayroong abala sa pagtipa ng kanyang laptop habang dahan-dahang inuubos ang kanyang isang paswelong kape.
Isang grupo naman ng mga magkakaibigan ang nasa kabilang dako ng kapihan na animo'y sinisilaban dahil sa usok na ibinubuga ng kanilang mga sigarilyo. .
Nasa bandang likod naman ang dalawang babaeng posturang-postura ang kasuotan at mababanaag mong maganda ang katayuan sa buhay.
At tayong dalawa.
Binanggit mo ang aking pangalan.
Kasabay nito ang malumanay na pagsigaw din ng barista ng aking pangalan upang ipahiwatig na handa na ang inorder kong kape.
Pinili kong lumingon sa barista.
Tumayo ako at tiningnan kita habang papunta ako sa counter upang kunin ang mainit at naghihintay na kape.
Naiwan kang nakabuka ang bibig dahil sa biglaang pagpigil ng kung anumang kailangan mong ilahad sa akin.
Binalikan kita sa ating mesa.
Hindi pa rin tayo nagkikibuan.
Alam kong hindi mo alam ang laman ng isip ko.
Pero ako, alam na alam ko.
Mahal kita.
Mahal na mahal.
Masaya ako sa tinatakbo ng relasyon natin.
Masaya ako kapag naaalala ko ang pagtakbo natin ng mabilis sa ilalim ng malakas na buhos ng ulan dahil wala tayong dalang payong noong nakaraang linggo.
Pati na rin ang pagluluto mo ng pagkain kapag natatalo kita sa larong sungka.
Masaya ako sa ginagawa ko.
Masaya ako na mahal kita.
Sa katunayan, gustong-gusto ko ng ibalita sa'yo na magiging tatay ka na.
Na madadagdagan na tayo.
Na nagbunga ang ating pagmamahalan.
Hinihintay ko lang sabihin mo ang dahilan kung bakit bigla mong napagdesisyunang makipagkusap kahit na nakatakda tayong magkita sa susunod na araw.
Napaso ang aking labi dahil sa init ng kapeng aking iniinom dahilan ng pagbalik ko sa aking katinuan.
Kasunod nito ang paglabas sa iyong bibig ng mga katagang: "Ayoko na."
Tuluyan ng walang lumabas na salita mula sa aking bibig.
Ngunit sumisigaw sa aking utak ang tanong na "Bakit?".
Ilang minuto lang ang nakakalipas matapos kong marinig ang iyong sinabi, tumulo na ang aking mga luha.
(lalaki)
Pareho tayong tahimik.
Nakakabingi ang katahimikan.
Tahimik sa kabila ng katotohanang tayo'y napapaligiran ng mga estranghero na may kanya-kanyang pinagkaka-abalahan.
Mayroong abala sa pagtipa ng kanyang laptop habang dahan-dahang inuubos ang kanyang isang paswelong kape.
Isang grupo naman ng mga magkakaibigan ang nasa kabilang dako ng kapihan na animo'y sinisilaban dahil sa usok na ibinubuga ng kanilang mga sigarilyo.
Nasa bandang likod naman ang dalawang babaeng posturang-postura ang kasuotan at mababanaag mong maganda ang katayuan sa buhay.
At tayong dalawa.
Sabay mong narinig ang iyong pangalan.
Ang isa’y galing sa barista na nagsasabing handa na ang kapeng kanina mo pa hinihintay.
Ang pangalawa’y galing sa akin, nagpapahiwatig na mayroon kang kailangang malaman.
Pinili mong lumingon sa barista at tumayo papunta sa counter upang kunin ang mainit mong kape.
Naiwan akong nakabuka ang bibig dahil sa biglaang pagpigil ng paglabas ng dapat kong ilahad sa'yo.
Bumalik ka sa kinauupuan mo.
Wala pa ring kibuan.
Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isipan mo.
Pero mababasa sa isipan ko ang iba't ibang bagay.
Ang alam ko, mahal kita.
Mahal pa rin kita.
Pero hindi ko na kaya.
Hindi ko na kaya ang nangyayari sa'ting dalawa.
Hindi ko alam kung bakit nangyayari sa atin ang mga ganitong bagay.
Ang ginawa ko lang naman at ginagawa pa rin haggang ngayon ay ang minahal at mahalin ka.
At alam kong yun din ang ginawa mo at ginagawa mo rin hanggang ngayon.
Natatandaan ko pa ng imbitahan tayong dalawa para dumalo sa isang corporate event.
Alam mong hindi ako sanay sa mga ganoong pagtitipon kaya nagdesisyon kang umalis na lamang sa kalagitnaan ng pagtitipon at piniling tumambay na lang sa Quezon City Circle upang kumain ng chicken balls.
Hindi rin mawawala sa aking isipan ang dalawang araw mong paggabay at pagdamay sa akin ng mga panahong hindi ko matanggap na hindi ko naipasa ang bar examination para tuluyan na akong maging isang ganap na abogado.
Sa mga ganoong paraan, pinapahiwatig mo sa aking importante ako sa'yo.
Na importante sa'yo ang meron tayo.
Lahat naman yan ay nararamdaman ko.
Ngunit sa kabila ng ganitong mga sitwasyon sa ating relasyon, naghahanap pa rin ako ng kung anumang kulang sa'tin.
May kulang.
At sa bandang huli, sarili ko na rin ang naka-diskubre ng hinahanap kong kakulangan sa ating relasyon.
Kulang tayo ng oras para sa isa't isa.
Mali na sa ating dalawa lang umiikot ang mundo.
Wala na tayong inaasahan kundi ang bawat isa.
Ayokong dumating sa puntong hindi ko na kayang mabuhay ng wala ka sa tabi ko.
Makakabuti siguro na tapusin na natin ang relasyong ating pinagsaluhan, iningatan at pinaglaban.
Sa isang iglap, bumalik ako sa katinuan at nabanggit ang mga katagang: "Ayoko na."
Ilang minuto lang, pumatak na ang iyong mga luha.
***
No comments:
Post a Comment